8 pulis sa Maguindanao massacre sinibak sa serbisyo

MANILA, Philippines - Sinibak sa serbisyo ang walong pulis kabilang na ang isang opisyal na sinasabing testigo sa Maguindanao massacre makaraang idine­k­la­rang absent without official leave (AWOL), ayon sa opisyal na ulat kahapon.

Kinilala ni PNP Chief Director General Jesus Ver­zo­sa, ang nag-AWOL na si P/Ins­­pector Ariel Rex Dion­gon, group commander ng 1508th Pro­vincial Mobile Group at isa sa testigo sa Ma­guindanao mas­sacre sa bayan ng Ampa­tuan noong Nobyembre 23, 2009.

Sa panayam ng PNP Press Corps, sinabi ni Ver­zosa na inaalam na ang mga kaganapan hinggil sa sina­sabing pag-alis ni Diongon sa kustodya ng Autonomous Region in Muslim Minda­nao (ARMM) Police sa Central Mindanao.

Ang grupo ni Diongon ang sinasabing kabilang sa humarang sa convoy ng mga Mangudadatu sa cross­ing ng Brgy. Saniag na hu­mantong sa pagpaslang sa 57-katao kabilang ang 32 mediamen.

 “The initial information I received is he asked permission verbally because he has some place to go, may personal matters so we have to check on the veracity of this report,”pahayag ni Verzosa.

Batay sa police report, si­mula noong Biyernes ay hin­di na nagpakita si Dion­gon sa custodian nito sa Central Mindanao kaya pinagpa­pa­liwanag ang pamunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 12 at ARMM PNP officer-in-charge na si P/Senior Supt. Bien­ve­nido Garcia Latag.

Nilinaw ni Verzosa na under restrictive custody la­mang si Diongon na ma­la­yang nakakagalaw sa him­pilan ng ARMM pero ‘di-pi­na­pahintu­lu­tang lumabas habang patuloy na pinag-aaralan at isinasaila­lim sa ebalwasyon ng Department of Justice (DOJ) kung ito ay maituturing na testigo.

Hinggil naman sa kaso ng pitong iba pang pulis na sina­sabing sangkot sa masaker ay hindi nakata­kas at sa ha­lip ay hindi nag-report sa PNP matapos ang krimen ka­ya’t tinanggal na sa tung­kulin. Kabilang sa mga sinibak sa serbisyo ay sina P/Inspec­tor Michael Joy Maca­raeg, PO1 Musa Abad, PO1 Jo­nathan En­gid, PO1 Jo­harto Kamin­da, PO1 Zohar­to Sam­son, PO1 Abdul Ma­catimbol at si PO1 Abbey Guidem. Joy Cantos

Show comments