BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines - Tatlong mayoralty bets sa Santiago City, Isabela na sinasabing magkakapangalan ang idineklarang nuisance candidates ng Comelec sa May 10, 2010.
Sa resolution na may petsang Enero 22, 2010 na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec) 2nd division, kinatigan ang petisyon ni Santiago City Mayor Amelita “Amy” Navarro na ibasura ang kandidatura nina Amy “Amelita” Navarro, Emma “Amy” Navarro at Samuel Navarro bilang panggulong kandidato sa eleksyon.
“Respondents cannot be allowed by this Commission to make a mockery of the elections. We cannot allow (them) to cause confusion to the electorate by allowing them to continue with this travesty upon the sanctity of the elections,” pahayag ng Comelec
Napag-alamang bukod sa pagiging nuisance candidate ng isang street sweeper na si Amy Navarro, 21, lumabag din ito sa itinakdang age requirement bilang kandidato sa mayoralty race sa ilalim ng Republic Act 7720.
“Article (3), Section 8 of the Charter of the City provides for the qualification of the City Mayor... (to be) at least (23 years of age)...,” saad sa 10 pahinang resolution ng Comelec 2nd division na pinamumunuan ni Commissioner Nicodemo Ferrer.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng Comelec na iisang tao ang gumawa ng dokumento para maging kandidato ang tatlo partikular na ang malaking halaga na nakadeposito sa banko.
Naunang naghinala si Mayor Navarro na kagagawan ito ng kanyang mga kalaban sa mayoralty race para ibagsak ang kanyang kandidatura dahil sa kalituhan ng mga botante.
Nabatid na mahigpit na kalaban sa mayoralty race ni Mayor Navarro ay sina dating Vice Mayor Armando Tan ng Liberal Party at dating Congressman Anthony Miranda ng Pwersa ng Masang Pilipino. Philippines Star News Service