MANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang Dinagyang Festival matapos na masawi ang isa katao at 18 ang nasugatan habang umaabot naman sa mahigit 120 kabahayan ang natupok sa naganap na sunog sa Iloilo City nitong Sabado ng madaling araw.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si Trinidad Formacion, 48 anyos.
Batay sa report ng Iloilo City Fire Marshal, pasado alas-12:25 ng madaling araw nang tupukin ng apoy ang may 120 kabahayan sa Barangay Nabitasan, La Paz District ng lungsod na ito sa gitna na rin ng selebrasyon ng Dinagyang Festival sa lungsod.
Bigla na lamang nagkagulo ang mga residente sa lugar nang mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa magkakatabing mga kabahayan.
Tumagal ng ilang oras ang sunog bago ito tuluyang naapula dahil masyadong masikip sa nasabing lugar at karamihan sa mga kabahayan ay gawa sa mahihinang klase ng materyales.