BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Narekober ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad ang 103 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa apat na kahon sa Sitio Tubong, Naganacan, Sta. Maria, Isabela at Barangay Romualdez, Rizal, Kalinga kamakalawa.
Ayon kay PO3 Sherwin Ubonen, Chief Investigation at Intelligence officer ng CIDG Isabela, natagpuan ang mga marijuana bricks na nakasilid sa mga kahon sa madamong bahagi ng isang farm lot na pag-aari umano ng pamilya Labarias.
Ang narekober na 103 kilos na marijuana bricks ay tinatayang umaabot sa halagang P1,030,000.
Ayon naman kay PC/Insp Melchor Cantil, team leader ng CIDG-Isabela, ang mga kahon ay nakatakdang ipadala sana sa isang Ariel Viernes ng Cubao, Quezon City.
Umabot sa 23 plantasyon na taniman ng marijuana ang nabuwag ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency sa loob ng limang araw na pagsalakay na ginawa sa Ilocos Region, ayon sa ulat kahapon.
Sa isinumiteng ulat ni Supt. Roger Opeña, PDEA Regional Director kay director General Sr., Undersecretary Dionisio Santiago, sa pagsalakay sa nasabing mga plantasyon, bultu-bultong tanim ng marijuana ang nakumpiska kung saan karamihan sa mga ito ay itinuturing na mataas na uri.
Naging pangunahing suplay ng marijuana ang rehiyon sa Metro Manila dahil ang ganitong produkto ang itinatanim ngayon ng mga magsasaka bunga na rin ng kahirapan. Joy Cantos at Ricky Tulipat