Iniwan ng nobyang Pinay, Dayuhan sinunog ang sarili

MANILA, Philippines - Dahilan sa hindi makayanang kabiguan sa pag-ibig nang talikuran ng babaeng pakakasalan, isang Czechoslovakian national ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril at pagsunog sa sarili sa kanyang tahanan sa Barangay Cabcaban, Barili, Cebu.

Kinilala sa ulat ng pulisya kahapon ang biktima na si Miloslav Frolisek, 52 anyos, na halos hindi na makilala ang sunog na bangkay nang makuha ng mga awtoridad.

Batay sa  naantalang report na nakarating sa Camp Crame, ang sunog na katawan ni Frolisek ay natagpuan sa nasabing lugar noon pang Lunes.

Ayon sa imbestigasyon, ang biktima ay nakatakdang mag­pakasal sa isang nagngangalang Jinjin , anak ng isang barangay tanod.

Pero iniwan ni Jinjin si Frolisek matapos mag-away ang magsing-irog at saktan ng dayuhan ang babaeng takda niyang pakasalan.

Nabatid na si Frolisek ay nanunuluyan sa Sitio Mahayahay sa Brgy. Talot sa bayan ng Barili habang pinaplano ang pagpapakasal sa nobyang si Jinjin.

Bandang alas-5 ng hapon ng Enero17 nang pasukin ng desperadong si Frolisek na nasa impluwensya ng alak ang tahanan ni Igeane Fajardo at kaibigan nitong si Marissa Barotag Hernandez na  hinostage nang mabatid na iniwan na siya ni Jinjin na lumuwas ng Maynila.

Ang nasabing dayuhan ay armado ng cal. 38 revolver at isang patalim na may dala pang tatlong bote ng gas nang pumasok sa nasabing tahanan kung saan iginapos nito ang mga biktima at saka tinutukan ng baril.

Napahinuhod naman nila ang dayuhan na palayain sila dahil wala naman silang kasalanan sa biglaang pag-abandona rito ng kaibigang si Jinjin kung saan pinakawalan sila nito dakong alas-6:30 noong Lunes.

Nang matanaw naman ng dayuhan na may kasama ng mga pulis ang dalawang pinalaya nitong hostage ay nagbaril ito sa sarili at sinunog pa ang nasabing bahay. (Joy Cantos)

Show comments