CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Tatlong miyembro ng isang pamilya ang napatay samantalang dalawang iba pa ang sugatan makaraang ratratin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa bayan ng Silang, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napatay ay ang mag-asawang sina Mario Aboga-Ay, Ev angelina Aboga-Ay, kapwa negosyante at ang anak na si Gieromar Aboga-Ay, 18, pawang na katira sa Barangay Yakal, Silang, Cavite.
Sugatan naman sina John Gie Aboga-Ay, 18, kakambal ni John Gie; at Christy Fuentes,16, matapos magtamo ng mga tama ng bala ng baril at kasalukuyang ginagamot sa San Jose Trauma Hospital sa bayan ng Silang.
Sa ulat na nakarating kay P/Superintendent Danilo Buentipo, papauwi na ang mga Aboga-Ay nang tambangan ng maskaradong lalaki na nakasuot ng Army fatigue uniform sa may makitid na iskinita sa Barangay Yakal bandang alas-9 ng gabi.
Dead-on-the-spot sina Mario, Evangelina at Gieromar samantalang nagtamo ng tama ng bala ng baril si John Gie nang subukin nitong tulungan ang kanyang mga magulang. Tinamaan naman ng ligaw na bala si Christy na nooy naglalakad.
Nabahala naman ang mga residente at kinondena ang pagpapatupad ng Comelec gun ban na hindi masyadong pinaiiral sa nabanggit na bayan.
Inaalam pa rin ng pulisya ang motibo ng pamamaslang habang patuloy ang follow-up operation para matukoy ang gunman.