SUBIC BAY FREEPORT, Philippines - Dalawang pulis na miyembro Law Enforcement Department ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa sinasabing alalay ni Buluan Vice Mayor Ismael “Toto” Mangudadatu kamakalawa ng gabi sa loob ng nabanggit na opisina sa Subic Bay Freeport, Olongapo City.
Sa pahayag ni Ret. Gen. Orlando Madela Jr., manager ng Law Enforcement Department, kinilala ang mga napatay na sina Capt. Seferino Abadia, LED officer of the day, at SP04 Delfin Orines na sinasabing retiradong pulis ng Olongapo City na bumibisita lamang kay Madela.
Ayon kay Madela, bago naganap ang pamamaril, nagtungo sa kanyang tanggapan sina P03 Nasser Dilangalen at Faustino Bernil, kapwa pinaniniwalaang bodyguard ni Buluan Vice Mayor Mangudadatu upang ipagbigay-alam ang nawawala nilang kasamahang alalay na si Mohamedin Panegas Ali, 39.
Napag-alamang si Ali ay nasa loob ng security outpost ng Sapphire Instrument at inihatid sa opisina ng LED kung saan isinuko nito ang kanyang service firearm kay Officer Edwin Nopal at hiniling na iturn-over siya sa PNP Special Action Force sa bayan ng Morong, Bataan kung saan siya dating nakadestino.
Habang inihahanda ang dokumento para sa kanyang custody ng PNP-SAF, sinasabing nakiusap si Ali kay Nopal na kukunin nito ang kanyang ID cards sa waist bag na noon ay nakalapag sa lamesa, subalit sa halip ay dinakma nito ang kanyang cal .45 pistol at akmang ipuputok.
Kaagad naman napigilan siya ni Nopal subalit nagawang nitong paputukin ang baril na nailagan naman ni Officer Rexie Alinea na nasa ’di-kalayuan sa loob ng opisina ng LED.
Tatlong putok pa ang pinakawalan ni Ali kung saan tumama kina Abadia at Orines na noon ay nakatayo sa harap ng pintuan sa labas ng silid hanggang sa tuluyang nagupo ni Nopal si Ali na hawak pa ang baril.
Agad namang tinawagan ni Madella ang tanggapan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group at PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng imbestigasyon.
Nangako naman si SBMA Administrator Armand Arreza ng tulong pinansiyal at legal sa pamilya ng dalawang biktima, gayundin ang komendasyon para kina Nopal at Alinea.