NUEVA ECIJA, Philippines — Dalawang negosyante ang iniulat na namatay habang 10 iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang ibinebentang paputok na tumupok sa ilang tindahan sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija noong bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Diosdao Santos Jr., 50 at Angelito Nuque, 50, kapwa residente ng Barangay Poblacion West. Naisugod naman sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Hospital sa Cabanatuan City ang mga sugatang sina Antonio “Jun-Jun” Sy, reporter ng GMA7; PO3 Jonathan Romero ng Provincial Special Reaction Team ng Nueva Ecija PNP; Maurine Lacambra, Roel Famulacano, Margarita Santos, Jervy Alputan, Gina Bulaong 43, Lolita Calara, 42 at si Albert Natividad.
Sa police report, lumilitaw na nagsimula ang apoy sa stall #21 ng pamilihang bayan sa A. Tobias St., Barangay Poblacion West kung saan sinasabing may nag-testing ng paputok bago ang sunud-sunod na pagputok.
Nabatid pa na kasalukuyang iniinspeksyon nang mga oras na iyon ng grupo ng PSRT ang nasabing lugar upang siguruhing walang nagbebenta ng mga ilegal na paputok. Christian Ryan Sta. Ana