MANILA, Philippines - Dahil sa makapal na usok ng sinunog na kogon, apat-katao ang iniulat na nasawi matapos magkarambola ng pitong sasakyan sa kahabaan Kilometer 64 ng Subic Clark Tarlac Exchange sa Pampanga kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga idineklarang patay sa Mabalacat District Hospital ay sina Sylvia Eustaquio, Zenaida Doctor at ang 6-anyos na si Margaret Sylen Geronimo habang namatay naman sa St. Raphael Medical Foundation Hospital si Cristina Geronimo.
Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna dakong alas-3 ng hapon matapos na mag-zero visibility dahil sa makapal na usok na bumalot sa highway na nasasakupan ng Brgy. Sapang Balen, Mabalacat, Pampanga malapit sa eastbound na bahagi ng SCTEX.
Isinugod naman sa San Rafael Foundation Medical Center ang mga sugatang sina Janice Tabacungan, Jerryldean Acierto na kapwa sakay ng Toyota Avanza; Christian Tuazon, driver ng Toyota Grandia; Melody Geronimo, Shena Rica Tagabuhin, Zoe Nathan Tagabuhin, atbp.
Kabilang sa mga sasakyang nagkarambola ay ang To yota Avanza utility vehicle (ZJV-296), Toyota Corolla (TLT- 578), Toyota Innova (RFG-231), Mitsubishi Adventure (SHG-397), Forward truck (RAG-459), Honda Civic (MCP-99) at ang Toyota Hi-Ace (FLG111). Joy Cantos