KIDAPAWAN CITY , Philippines – Hindi napigil ng ilang mamamahayag na tumulo ang mga luha habang nag-aalay ng bulaklak at nagsisindi ng kandila sa lugar kung saan minasaker at inilibing ang kasamang mamamahayag, may isang buwan na ang nakalilipas.
Panibugho ang nara ramdaman nina Marlyn Aznar at Felsy Co na kapwa miyembro ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Kidapawan City at ng Mindanao Press Corps, nang makita ang hukay na pinaglibingan nina Henry Araneta, Nap Salaysay, at iba pa.
Pagkatapos bumisita sa massacre site, tumuloy ang grupo ng NUJP sa pangunguna nina Weng Paraan at Carol Arguillas ng Minda-News sa libingan nina Genalyn at apat pang mga miyembro ng pamilya Mangudadatu na nasa loob ng bahagi ng Poblacion ng Buluan.
Nagtipun-tipon ang libu-libong tagasuporta at kaanak ng pamilya Mangudadatu na sabay-sabay na sumisigaw ng hustisya at katarungan para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Dumalaw sa libingan si Mayor Freddie Mangudadatu kung saan sinabi nitong ’di-titigil ang kanyang pamilya hangga’t di naigagawad sa mga Ampatuan ang parusa na nararapat para sa mga ito.
Isinisigaw ng mga kaanak ng mga Mangudadatu sa mga hawak nilang placard, “Kung buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran.” Malu Manar