BULACAN , Philippines – Dahil sa pangangalabit at panghihimas ng braso ng ibang misis, isang 37-anyos na mister ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang kaibigang matalik kahapon ng tanghali sa bisinidad ng Barangay Tabing Ilog sa bayan ng Marilao, Bulacan.
Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Jerry Martinez ng Northville lV sa Barangay Lambakin habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Jesus Catarman, 47, ng Sitio Bukid, Brgy. Tabing Ilog sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Ricardo Salomon, lumilitaw na dumating ang biktima sa bahay ng suspek na lango na sa alak at pabirong naghahamon ng away.
Bagama’t magkaibigan ang dalawa ay nauwi na lamang sa inuman ng alak ang biruan at maging ang misis ng suspek na si Ella ay nakipagtunggaan na rin.
Dahil sa lango na sa alak ang biktima ay tinabihan nito si Ella kung saan unti-unting hinihimas ang braso at kinakalabit sa baywang kung saan namataan naman ng suspek na lango na rin sa alak.
Dito na kinuha ng suspek ang matalim na itak bago isinagawa ang pamamaslang kung saan nabigla na rin si Ella sa ginawa ng kanyang mister laban sa kaibigan.
Napag-alaman din sa police report na may lihim na pagnanasa ang biktima sa misis ng suspek kung saan nabulgar lamang kahapon. Boy Cruz