ZAMBALES, Philippines —Tiwala si Zambales Governor Amor Deloso na mas paniniwalaan ng mga Zambaleño ang mga nagawa ng kanyang administrasyon para sa kaunlaran ng nabanggit na lalawigan.
Ito ang pahayag ni Gov. Deloso makaraang mailathala sa ilang pahayagan ang mga malisyoso at walang batayang paninira ng ilang kalaban sa pulitika sa kanyang personal na buhay at kakayahang pamunuan ang Zambales.
“Hindi dapat ikabahala ang mga black propaganda na ipinakakalat ng aking mga kalaban sa pulitika sapagkat nakatatak na sa puso at isipan ng bawat Zambaleño ang pagtitiwala sa mga nagawa kong proyektong pangkaunlaran,” ani Deloso.
Inihalimbawa ng opisyal ang mga ipinagawang paaralan, plaza, gusali para sa mga tanggapan ng lokal na ahensya ng pamahalaan, scholarship sa mga estudyante, livelihood at financial assistance program sa mga barangay.
Kasabay nito, pinuri ni Deloso ang kanyang kalaban sa gubernatorial race sa May 2010 elections na si ex-DPWH Sec. Hermogenes Ebdane, Jr. na kinakitaan ng malinis na pagkatao sa Zambales.
“Pero, hindi ko tiyak kung sa labas ng lalawigan ay may nagawa itong maganda para sa Sambayanan,” pahayag ni Deloso.
Sa kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng DPWH ay napabilang ito sa mga ahensya ng pamahalaan na sinasabing may pinakamalalang kurapsyon at katiwalian kung saan umani ng pagbatikos na naging dahilan ng kanyang pag-atras sa presidential race.
“Mas mabuting pagtutuunan ko kung ano pa ang aking magagawa sa nalalabing buwan ng terminong ito upang hindi masayang at matulungan pa ang aking mga kababayan,” dagdag pa ni Deloso. Randy V. Datu