LEGAZPI CITY, Philippines — Ipinagpapaliban na rin ang mga Christmas party sa mga paaralan sa paligid ng bulkang Mayon dahil sa namimintong pagputok nito.
May 20 eskuwelahang pampubliko at elementarya karamihan ang nagsuspinde ng kanilang mga klase nang itaas ang alert level 3 ng Mayon noong Disyembre 12.
Meron namang 18 eskuwelahan ang ganap o bahagyang itinigil ang pagkaklase nang gamitin ang kanilang mga silid-aralan bilang evacuation center ng mga nagsilikas na residente.
Inamin ni Albay schools division superintendent Dr. Alice Terrel na apektado ang mga klase sa eskuwelahan at maging ang mga Christmas party ng mga ito dahil sa abnormal na kalagayan ng bulkan.
“Pinayuhan nga namin ang mga school principal at ibang personnel na isagawa na lang sa Enero ng susunod na taon ang kanilang mga Christmas party at ibang aktibidad. Wala tayong magagawa dahil tawag ng kalikasan ang pagputok ng Mayon,” sabi pa ni Terrel.
Mas mabuti anya ito kaysa ipagsapalaran ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral.
Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nagkaroon na ng 248 na bilang ng volcanic quakes at 50 bilang ng explosion na tinatayang lalong tumataas ang posibilidad na may magaganap na malakas na pagsabog ang bulkan.
Tatlong beses na nagsabog ng abong usok ang Bulkang Mayon sa Albay kahapon ng umaga na may taas na dalawang kilometro.
Ayon kay Director Renato Solidum ng Phivolcs, ang naturang pagsabog ay naitala ganap na alas-6:59 ng umaga at alas-7:24 ng umaga at ganap na alas-7:25 ng umaga naman ay naitala ang steaming activity ng bulkan.
Anya, madalas din ang pagtatala ng explosion quakes sa bulkan.
Tinaya naman ni Solidum na aabutin na lamang ng ilang araw o ilang linggo ay puputok na ng tuluyan ang bulkan.
Patuloy naman ang paglaki ng lava sa bunganga ng bulkan kung saan may dalawa nang lava domes ang nabuo para maging isang magma sa loob ng crater ng bulkan. Cet Dematera, at Angie dela Cruz