MANILA, Philippines - Umaabot na sa labing-isa katao kabilang na ang siyam na rebeldeng New People’s Army ang iniulat na napaslang sa panibagong sagupaan laban sa tropa ng pamahalaan sa liblib na bahagi ng Valencia City, Bukidnon noong Martes ng hapon.
Ayon kay Army’s 4th Infantry Division spokesman Major Michelle Anayron, lumilitaw na siyam na rebelde at isang sundalo ang napatay sa sagupaan habang tatlo namang sundalo ang nasugatan sa naganap na sagupaan ng grupo ni Alberto “Ka Berto” Navarro at tropa ng Army’s 403rd Infantry Brigade ni Col. Nicanor Dolojan sa kabundukan ng Barangay Banlag.
Gayon pa man, habang papatakas ang mga rebelde ay nasabat naman ng reinforcement troops kung saan ay muling nagkaroon ng bakbakan na nagresulta sa pagkakapatay sa siyam na rebelde.
Narekober naman ang siyam na baril sa encounter site na kinabibilangan ng limang M16 rifles, 2- M 14 Armalite rifles at 2-Garand rifles. Joy Cantos