Hukom na nag-isyu ng search warrant binantaan

KIDAPAWAN CITY, Philippines — Pinahigpit pa ang seguridad ngayon kay Judge Francis Palmones, ang executive judge ng Kidapawan City Regional Trial Court Branch 17 at 23, matapos paboran nito ang application for search warrant ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa pamilya Ampatuan.

Ayon kay Judge Palmones, nakatatanggap na siya ng mga pagbabanta sa buhay simula noong Huwebes, kaya’t dinagdagan ang security officers nito.

Noong Huwebes, inisyu ni Judge Palmones ang search warrant na nagresulta sa pagkumpiska sa ilang de-kalibreng armas at mga bala mula mismo sa mga bahay ng Ampatuan na pinasok ng mga sundalo.

Ayon kay Palmones, inatasan siya ng Deputy Court Administrator ng Supreme Court na aksyunan ang search warrant na inihain ng CIDG-12 para salakayin ang mga mansion ng Ampatuan clan.

Si Palmones ang inatasan ng Supreme Court dahil walang hukom sa Cotabato City at Midsayap, North Cotabato ang nakahandang mag-isyu ng search warrant. Ang search na ginagawa sa mga mansion ng Ampatuan sa Davao City, partikular sa Juna Subdivision, Nova Tierra, at sa Marfori Subdivision, ay inisyu ng huwes mula sa Quezon City. Malu Manar

Show comments