CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sumasailalim ngayon sa imbestigasyon ang hepe ng pulisya at mga tauhan nito kaugnay sa naganap na pamamaril na ikinasugat ng apat na turista noong Biyernes ng gabi sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon kay P/Senior Supt. Sonny Ricablanca, Oriental Mindoro police director, pansamantalang ni-relieve sa puwesto si P/Supt. James Brillantes bilang hepe ng Puerto Galera habang inaalam ang ugat ng kaguluhan na naganap sa Hummerhead Broadway KTV Bar sa Barangay Sabang.
Kinilala ang mga sugatang turista na sina Hou Kim at Hoseung Kim, kapwa Koreano; John Ghim, US citizen; Paul Jones, Australian; at ang local na turistang si Ruel Sotto.
Batay sa imbestigasyon, lumilitaw na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang Koreanong si Hou Kim at isang guest relation officer (GRO) sa loob ng videoke bar.
Napag-alamang tinangkang awatin ng tauhan ni Brillantes na si PO1 Helmero Ondevilla na sinasabing mga bisita sa launching ng KTV bar.
Ikinagalit naman ni Sotto ang pakikialam ni PO1 Ondevilla hanggang sa magbuno sila at maagawan ng baril ng pulis na nagbunsod para magpaputok ng baril si Col. Brillantes.
Nang humupa ang kaguluhan, sugatan si Sotto matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa hita kung saan isinugod sa MMG Hospital sa Calapan City kasama ang tatlong turista na nagkasugat sa kanilang mga paa at kamay. Arnell Ozaeta