LAWAGE, Ifugao , Philippines — Apat na rebeldeng New People’s Army kabilang na ang dalawang amasonang bumagsak sa kamay ng pulisya makaraan ang maikling sagupaan sa liblib na bahagi ng Barangay Gumhang, sa bayan ng Tinoc, Lawage, Ifugao.
Sa naantalang ulat, kinilala ni P/Senior Supt Joseph Adnol, ang mga NPA na nagsisuko na sina Abigail Joy Aman, 22, alyas Ka Mayen; 2nd year Law student sa UP, Manila na tumatayong company commander ng grupo at nakatira sa Parañaque City; Jan Kristel Cruz, 24, 3rd year college ng UP, Diliman, political leader ng grupo at residente ng Bagumbayan,Taguig City; Alfredo “Ka Pilan” Ramos, 28, ng Caloocan City, College undergrad sa University of the East at si Mark Joseph Dacer Gidayawan, 19, ng Navotas, Manila.
Kaagad naman dinala ang apat sa Ifugao Police Provincial Office sa bayan ng Lagawe kabilang na ang mga nabawing tatlong M-16 Armalite rifle, 1 baby Armalite rifle, Carbine; limang granada, rifle grenade; mga medical/dental kits, iba’t ibang uri ng gamot, mga bala, mga dokumento at personal na mga kagamitan.
Noong Lunes, kinasuhan na ng pulisya ang apat na rebelde habang nakapiit sa Ifugao District Jail ng BJMP sa Tiger Hill, Kiangan, ifugao. Victor Martin