MANILA, Philippines - Napaslang ang lider ng sindikato ng droga, carnapping at killer ng tatlong pulis at isang mediaman na si Zoren Samal ng barilin ni PO1 Arnel Baslan matapos na mang-agaw ng baril habang ibinabiyahe patungong Taytay, Rizal, kamakalawa ng hapon.
Si Samal ay naaresto dakong ala-1:45 ng hapon sa Market-Market Mall, Taguig City, ngunit ng dadalhin na sa Rizal Provincial Police Office ay bigla na lang itong nakipagbuno sa pulis na nakilala lang sa pangalang PO2 Subong kaya agad na rumisponde si Baslan at binaril ang suspect.
Sa record ng pulisya, si Samal ang suspect sa pagpatay kina PO3 Romeo Maglinao at PO2 Urbano Enero ng 4th Regional Mobile Group noong Pebrero 11, 2007 sa drug operation sa Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Ito rin ang responsable sa pagpatay kina PO2 Virgilio de la Cruz Jr., ng Rizal PPO at sa journalist photographer na si Tiburcio “Jojo” Trajano ng Remate sa shootout sa nabanggit din lugar noong Hunyo 3, 2009.
Ikinatuwa naman ni Philippine National Police chief Director General Jesus Verzosa ang matagumpay na pagkakadakip kay Samal. Joy Cantos