MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang kabiguan sa pag-ibig ang isa sa dahilan kaya nagbigti ang isang 21-anyos na dalaga sa loob ng aparador sa kaniyang inuupahang boarding house sa Barangay Manoc-Manoc, Boracay Island, sa bayan ng Malay, Aklan kamakalawa.
Lawit ang dila, luwa ang mga mata at nangingitim na nang matagpuan ang biktimang itinago sa pangalang Melissa base na rin sa pakiusap ng pamilya.
Base sa report ng Boracay Special Tourist Protection Office na naka rating sa Camp Crame, bandang alas-5:10 ng hapon ng madiskubre ang bangkay ng dalaga gamit ang sinturon.
Nabatid na si Melissa na residente ng Brgy. Kinalangay Viejo, Malinao, Aklan ay namamasukan bilang saleslady sa isang tindahan sa Boracay Beach Resort.
Napag-alamang huling naikuwento ng biktima sa kanyang mga kaibigan ang problema sa kaniyang nobyo at pamilya na sinasabing dahilan ng kaniyang pagpapatiwakal.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka ng biktima na magpakamatay kung saan ay minsan na itong nagbigti gamit ang charger ng celpon pero naputol ito kaya pumalpak ang masamang tangka.