MANILA, Philippines - Umaabot sa 300 pang gun replica o barul-barilan ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang serye ng operasyon sa Silay City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Chief Inspector Rico Santotome Jr., hepe ng public information office ng Negros Occidental Police, na ang operasyon ay alinsunod sa mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta ng mga toy guns na replica ng matataas na kalibre ng mga armas.
Sinabi ni Santotome na umaabot na sa 700 gun replica ang kanilang nasamsam sa loob lamang ng limang araw na operasyon umpisa noong Lunes.
Nasamsam ang mga baril-barilan sa mga lungsod ng Bago, Cadiz at Silay ng Intelligence at Special Operations Task Force operatives ng Negros Police.
Sinabi ng opisyal na pinaigting ni Sr. Supt. Manuel Felix, Director ng Negros Provincial Police Office, ang kampanya laban sa mga laruang baril dahil ginagamit ang mga ito ng masasamang elemento tulad ng mga robbery/holdup gang.
Bukod dito, lubhang delikado ang mga toy guns lalo na sa mga paslit. (Joy Cantos)