ZAMBALES, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa kabilang na ang alkalde ang nasugatan makaraang ratratin ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan ang resthouse ng mayor noong Sabado ng gabi sa Sitio Caligit, Barangay Dirita sa bayan ng Iba, Zambales.
Kabilang sa napaslang ay ang dalawang katiwala at alalay na sina Bernie Abagon, 38, ng Purok-3, Barangay Amungan; at Malvar Ganayan, 23, na kapwa hindi na umabot ng buhay sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital.
Samantala, sugatan at ligtas sa tiyak na kamatayan maliban sa tinamomg sharpnel sa mukha, dibdib at tagiliran si Iba Mayor Danilo Pamoleras, 44, may-asawa habang nadaplisan naman ng bala sa magkabilang binti si Joseph Contreras, 21, ng Purok-5, Sitio Caligit Brgy Dirita.
Napag-alaman na masayang nagkakasiyahan sina Mayor Pamoleras at kanyang mga manggagawa at bisita sa resthouse dakong alas-7 ng gabi nang nagulantang ang grupo sa sunud-sunod na putok ng Armalite rifle na nagmumula sa bakod na tinatayang may 20 metro ang layo.
Kaagad na bumulagta ang dalawang katiwala ng resthouse habang sugatan naman sina Mayor Pamoleras at Contreras.
Agad rumesponde ang pulisya sa pangunguna ni P/Insp Gilbert C. Diaz subalit ‘di na inabutan ang gunmen na lulan ng motorsiklo.
Naglunsad na ng malawakang dragnet operation ang mga tauhan ni P/Senior Supt. Rolando B. Felix, kung saan sinusuyod na ang kinaroroonan ng mga suspek.
May teorya ang pulisya na may kaugnayan sa usapin sa lupa ang isa sa motibo ng pamamaril.