BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Umaabot sa 11-katao ang iniulat na nasawi habang 23 iba pa ang nasugatan makaraang mahulog sa malalim na bangin ang pampasaherong bus na sinasabing naunang sumalpok sa dalawang sasakyan sa naganap na trahedya kahapon ng madaling-araw sa Barangay Tagaran Cauayan City- Isabela.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang maganap ang trahedya kung saan bumangga muna ang Dagupan Bus na may body #168 (AHV 765) sa kasalubong na kulay puting Toyota Hilux at isa pang Isuzu Dmax bago tuluyang bumulusok sa bangin na may 40 metro ang lalim.
Walo-katao ang namatay sa bus, isa naman sa Toyota Hi-lux habang da lawa ang namatay sa Cauayan District Hospital at Ester Garcia General Hospital.
Sinabi ni P/Supt. Danilo Aserit, hepe ang Cauayan PNP, kabilang sa mga nakuhang nasawi ay ang isang 9-buwan gulang, Roberto Bulisay, Thelma Lozano, Freddie Agustin, driver ng bus; Mamerto Daturan, drayber ng Toyota Hi-Lux at si Perlito Bautista ng Barangay Guayabal, Cauayan City.
Batay sa ticket ng Bus na narekober ng pulisya, aabot sa 33 pasahero ang lulan nito bukod ang drayber, co-driver at pahinante.
Nakilala ang ilang pasahero ng Dagupan Bus Liner na sina Rogelio Gumahong, Sarina Dayril, Grace Gruco, Maurece Gruco, Elena Bariuag, Marlon Sinampan, Maxima Adriano, Jovy Bariuag, Susan Castro Gosi, Marce lina De Guzman, Maria Pelodello, Ma Zenaida Adriano, Estelita Ignacio, Maxima Tabaldo, Nestor Galapon, Rodolfo Galapon, Sixto Galapon at si Leo Ramos.
Kabilang naman sa mga sakay ng dalawang sasakyan ay sina Perlito Bautista, Rey Cacal, Joel Binwag at si Daturan na pawang kawani ng Universal Leaf Corp. Philippines na nakabase sa nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na pagsapit sa tulay ng Dagupan Bus mula sa Cubao, Quezon City ay sumalpok sa kasalubong na Hi-lux at D-max pick-up na nagmula naman sa bayan ng Burgos, Isabela.
Napag-alamang nakipaglamay sa patay ang mga pasahero ng dalawang sasakyan at papauwi sa Cauayan City nang makasalubong si kamatayan. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat