MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nailipat na ng mga kidnaper ang bihag na si Italian priest Fr. Michael Sinnot na dinukot sa Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Linggo ng gabi (Oktubre 11).
Ito ang nabatid kahapon sa isang mataas na opisyal ng militar na tumangging magpabanggit ng pangalan kung saan kinukumpirma pa ng security forces.
“Meron ulat na nasa Basilan na,” anang opisyal pero hindi naman nito inaalis ang posibilidad na hindi pa rin nakakalayo sa Zamboanga Peninsula ang mga kidnaper na kasama si Fr. Sinnot
Kasabay nito, tiniyak naman ng hepe ng AFP-Public Affairs Office na si Lt. Col .Romeo Brawner Jr., na nag-iingat sila sa isiisinasagawang operasyon para matiyak ang kaligtasan ng bihag.
Nabatid na umapela na ng tulong ang Columban Missionaries kay US President Barack Obama sa pamamagitan ni US Sec of State Hillary Clinton na naniniwalang malaking tulong ang magagawa ng Obama administration sa pagpapalaya ng nabanggit na pari.
Bagama’t tukoy na ang grupong responsable sa pagdukot kay Fr. Sinnot kung saan sinimulan na ng militar ang dragnet operation ay nag-iingat ang militar sa seguridad ng bihag. Joy Cantos