MANILA, Philippines - Dahilan sa hindi matanggap na kabiguan sa pag-ibig, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang dati niyang nobya at ang bago nitong nobyo habang naglalambingan ang mga biktima sa labas ng isang boarding house sa Barangay Tandang Sora, Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa pagamutan ang binatang si Michael Layno, residente ng Barangay San Vicente habang tumagal pa ng ilang oras ang kasintahan nitong si Tichie Amores, 24-anyos, na taga-Barangay Bitan-agan sa lungsod din ng Butuan bago binawian ng buhay.
Nadakip naman ang suspek na si Rodolfo Tambasin, 51-anyos, may asawa, ng Emenville Subdivision, Barangay Ambago.
Nabatid na unang nakipagkalas si Amores kay Tambasin dahil meron na itong pananagutan sa buhay pero hindi ito matanggap ng suspek kaya naisipan nitong maghiganti. (Joy Cantos)