MANILA, Philippines - Tinangkang i-rescue ng mga armadong kalalakihan ang lider ng New People’s Army na nakakulong makaraang tambangan ang convoy ng mga provincial guard mula sa court hearing na ikinasaguat ng isang pulis escort sa bigong pagtatangka ng mga rebelde sa kahabaan ng Maharlika Highway, Lower Binogsacan, Guinobatan, Albay kahapon ng umaga.
Kinilala ni 9th Infantry Division Deputy Commander Brig. Gen. Tristan Kison, ang nasugatang si PO1 Rommel Aringo na naisugod sa Aquinas University Hospital.
Napag-alamang bumabagtas ang convoy ng mga provincial guard na nag-eescort kay Iglicerio “Ka Choy” Pernia, pinuno ng NPA Front Committee 77 at consultant ng National Democratic Front nang maganap ang bigong rescue operation ng mga tauhan nito.
Ayon pa sa ulat, katatapos pa lamang ng court hearing sa Ligao City, Albay kaugnay ng kasong kriminal na kinakaharap ni Ka Choy nang ratratin ng mga rebelde ang convoy ng mga escort na pulis pagsapit sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Lower Binogsacan, Guinobatan, Albay.
Nabatid na tinangkang agawin si Ka Choy pero nabigo ang mga armadong kalalakihan ng makipagbarilan ang nakaalertong mga security escort.
Tumagal ang putukan ng ilang minuto hanggang sa maitaboy ang mga rebelde na mabilis na nagsitakas kung saan naibalik naman sa piitan si Ka Choy.
Matatandaan na si Ka Choy ay nasakote ng mga intelligence operatives ng AFP sa Bulacan may dalawang taon na ang nakalipas. Joy Cantos