MANILA, Philippines - Napatay ang detachment kumander ng Phil. Army at isang sundalo makaraang mag-amok ang isang sundalong senglot sa loob ng kampo noong Linggo ng gabi sa Barangay Tugaig, Barira, Maguindanao.
Kinilala ni Army’s 6th Infantry Division (ID) spokesman Col. Jonathan Ponce, ang dalawang napatay na sina Sgt. Alex Gumata, kumander ng Hilltop detachment ng Charlie Company ng 37th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army at Corporal Ernesto Dumaboc.
Nasa Camp Siongco Station Hospital naman ang sugatang si Corporal Randy Laniera na idineklarang nasa maayos na kondisyon.
Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si Pfc. Jefferson Brillo kung saan tumakas matapos mag-amok bandang alas-6:30 ng gabi.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinastigo ni Gumata si Brillo matapos malasing sa alak at dumating sa kampo para mag-duty sa gate bilang guwardiya.
Nagkasagutan sina Gumata at Brillo kung saan ay galit na umalis ang suspek bago pumasok sa kanilang bunker.
Gayon pa man, binalikan ng suspek ang kanyang kumander saka niratrat kung saan nadamay sa karit ni kamatayan si Dumaboc. (Joy Cantos)