'Engkanto' sa lawa: Magpinsan todas

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Pinaniniwalaang nabulabog ang mga engkan­to kaya pinakarit kay kama­tayan ang magpinsang lalaki na nagkayayaang maming­wit ng isda habang dalawang iba pa ang nasugatan maka­raang lumubog ang kanilang bangka sa Laguna Lake noong Lunes ng hapon.

Namatay sa trahedya sina Edgardo Necesario, 23; at Rolando Catabay, 17, kap­wa nakatira sa Purok 6, Brgy. Kaingin, Sta. Rosa City, Laguna, habang naisugod na­man sa Sta. Rosa Community Hospital sina Ronel Geta­pe, 19 at Jerson Ni­quin­to, 21.

Sa ulat na nakarating kay P/Senor Supt. Manolito La­bador, lumilitaw na nagkaya­yaang mamangka at mangis­da ang magpipinsan sa Laguna Lake kung saan may ilang metro lamang ang layo mula sa kani-kanilang taha­nan.

“Nagbibiruan pa nga ang magpipinsan na ‘yan, inuuga pa nila ‘yung sinasakyan nilang bangka bago pa sila pumalaot,” anang isang kamag-anak ng mga biktima.

Bandang alas-3 ng hapon nang magsimulang lumakas ang ihip ng hangin at alon sa lawa hanggang hampasin ang kanilang bangka at tu­maob.

“Nakita ng mga kaba­rangay namin na kakaway-kaway pa sila sa laot kaya mabilis silang sinaklolohan, ” ayon sa isang nakasaksi.

Mabilis na nasagip ng ka­nilang mga kabarangay sina Getape at Niquinto saman­talang sinawing palad naman sina Necesario at Cabatay.

“Kahit nung papalubog na si Rolando sa tubig nakaturo pa ang kanyang mga kamay sa akin na parang nagpapa­alam na,” dagdag ni Ronel.

Ayon naman sa ina ni Ronel, matalik na magkaibi­gan at malapit na magpinsan sina Edgardo at Rolando na “kahit sa huli, hindi sila nag-iwanan”.

Show comments