Bus vs bus: 8 dedo

CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines   — Walo-katao ang sinalubong ni kamatayan saman­talang aabot sa 42 iba pa ang sugatan maka­raang magbanggaan ang dalawang pampa­sa­herong bus sa highway na sakop ng Ba­rangay Domoit sa Lu­cena City, Quezon noong Linggo.

Kinilala ni P/Senior Supt. Elmo Sarona, Quezon police director, ang mga nasawi na sina Rizzy Baguyo, 3; nanay nitong si Rean Baguyo at ang lolang si Emelina Baguyo; Ro­meo Buban Casim, alternate bus driver at si Marife Pada.

Tatlo pang biktima na nasawi ang kasalu­kuyang bineberipika ang pagkikilanlan.

Ayon sa ulat ni SPO3 Renato Pelobel­lo, binabagtas ng Lu­cena Bus Lines (DWB-795) ni Victor Alcantara ang kahabaan ng Ma­harlika Highway nang sumalpok sa kasalu­bong na Bragais Lines Bus (EVM-934) ni Jose Danny Menian y Mon­tealegre sa Barangay Domoit bandang alas- 12:00 ng hatinggabi.

Napag-alamang nag-overtake ang Lu­cena Bus Lines na pa­tungong Lucena City mula sa Maynila sa sasakyang nasa harap nito hang­gang bu­mangga naman sa kasalubong na Bra­gais Bus Lines na patu­ngong Maynila mula sa Kabikulan.

Dahil sa lakas ng impak, nawasak ang buong kaliwang bahagi ng Bragais Bus Lines na ikinamatay agad ng pitong pasahero ha­bang isa naman sa Lucena Bus Lines.

Kasalukuyang gina­gamot na sa Quezon Medical Center ang mga nasugatan sa­man­talang inilagak na ang mga nasawi sa Funeraria Pagbilao para sumailalim sa autopsy.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang dala­wang drayber ng bus at nahaharap sa ka­song reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple physical injuries.


Show comments