MANILA, Philippines - Pitong rebelde mula sa Moro National Liberation Front breakaway group na sinasabing umakupa sa Montanggulli Island, Palawan noong Sabado ang iniulat na nasawi makaraang makipagsagupaan sa mga sundalo ng Armed Forces of the Phils. kahapon.
Ito’y matapos tumangging tumalima sa ultimatum na ibinaba ni Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 Commander Major Yuri Pesigan, ang grupo ni Commander Poh Abdurajak alyas Pa Guro na lisanin ang nasabing isla kung saan hinostage pa ang ilang residente sa loob ng mosque.
Ayon kay Lt. Col. Edgard Arevalo, Navy spokesman, dakong alas-7 ng umaga nang lusubin na ng apat na platoons ng MBLT 8 kasama ang teams ng Naval Special Operations Group ang nabanggit na isla.
Napag-alamang una nang nagbigay ng ultimatum si Major Yuri Pesigan kay Abdurajak sa pamamagitan ng emisaryong si Hadji Sukarno Jamal subalit nagmatigas ang mga ito.
“ We retrieved 7 bodies of MNLF during clearing operations,” pahayag ni Pesigan kung saan kinilala ang dalawa sa mga ito na sina Lu Abdurajak at isang alyas Kimpo.
Nagsilikas naman ang mga residente sa kalapit na Bangkalan Island upang iwasan ang madugong bakbakan ng magkalabang puwersa.
Ayon naman kay PNP spokesman Senior Supt. Leonardo Espina, tinangka ng pulisya na isilbi ang 3 warrants of arrest kay Kumander Abdurajak dahil sa mga kasong indiscriminate firing at illegal possession of firearms.
Gayon pa man, sa halip na sumuko, kinubkob ng grupo ni Abdurajak ang isla at nagmatigas na lumisan sa kabila ng ibinabang ultimatum kung saan sa matinding bakbakan ay isang sniper ng Marines ang nasugatan.
Nakarekober ng anim na M14 sniper rifles, dalawang camouflage uniform na may tatak ng MNLF sa likuran, 19 rounds ng M1 Garand rifle at dalawa ang nadakip sa patuloy na clearing operations.
Nabatid na naghiwa-hiwalay na ang grupo ni Pa Guro na karamihan ay nagpanggap ng mga sibilyan kung saan nagsitakas patungong Bugsok Island, Palawan sakay ng bangkang de motor.