PANGASINAN , Philippines – Upang mabawasan ang patuloy na paglubo ng krimen na dulot ng paggamit ng motorsiklo ng mga kriminal, nagpanukala ng ordinansa ang isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ipagbawal ang mga motorsiklo simula alas-11 ng gabi hanggang alas-3 ng madaling-araw sa lalawigan ng Pangasinan.
Ang panukalang limitahan ang oras ng mga motorsiklo ay isinumite na ni 6th district Board Member Alfonso Bince Jr. sa Sangguniang Panlalawigan para sa committee hearing sa Agosto 28 ng umaga.
Sinalungat naman ng Pangasinan Bikers Federation Inc. ang panukala ni Binse kung saan nagsumite na sila ng position paper noong nakalipas na linggo sa SP.
Ayon sa bikers federation na ang proposed ordinance ay selective at discriminatory sa mga may-ari ng motorsiklo para mag-impose ng curfew kung saan binabalewala ang ibang transportation na ginagamit din ng mga kriminal.
Inimbitahan naman ng SP secretariat ang mga representante mula sa Land Tansportation Office, Commission on Human Rights, religious sector, motorcycle groups at iba pang grupo para maipaliwanag ang kani-kanilang panig sa nabanggit na panukala.