CAVITE, Philippines – Pitong sibilyan ang kumpirmadong namatay samantalang malubha naman ang kalagayan ng tatlong iba pa makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa kasalubong na tractor truck sa kahabaan ng Soriano Highway sa Barangay Bagao 2 sa bayan ng General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi ay ang drayber ng jeepney na si Carmelo Borbe, ang limang pasahero na sina Jocelyn Emolaga, Francesca Agacan, John Vernon Agacan, Aderliza Capilo at ang dalawa na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Naisugod naman sa Divine Grace Hospital sa bayan ng Rosario sina Roxanne del Mundo, Moises Luaton at si Mon Brian Agacan kung saan inilipat si Del Mundo sa Manila Orthopedic Hospital dahil sa matinding sugat sa katawan.
Ayon sa police report, binabagtas ng passenger jeepney (DER-733) ang kahabaan ng highway sa Barangay Bacao 2 nang banggain ng kasalubong na Isuzu tractor truck (RDU-904) na minamaneho ni Shalom Sidnet Suarez matapos umobertake sa naunang sasakyan bandang alas-9:40 ng gabi.
Napag-alamang patungo sa bayan ng Noveleta ang pampaseherong jeepney habang patungo naman sa bayan ng Tanza ang truck na nakarehistro sa One Trucking Services sa Parañaque city nang maganap ang trahedya.
Kasalukuyang nakapiit na si Suarez sa himpilan ng pulisya sa bayan ng General Trias habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injuries laban sa kanya.