MANILA, Philippines - Bagsak kalaboso ang junior officer ng Philippine Army at ang kasabwat nito makaraang maaresto ng pulisya dahil sa panghoholdap ng isang negosyante noong Sabado sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur.
Kinilala ni P/Chief Supt. Jaime Milla, director ng Police Regional Office 13, ang mga suspek na sina 1Lt. Roel Bontuyan Hengania at Maximo Ucab.
Si Hengania ay miyembro ng 8th Infantry Division at naka-assign sa Makati City.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, minamaneho ng biktimang si Permo Gretare ang kanyang truck (GFP-276) sa kahabaan ng Purok 1, Barangay Zellova nang parahin ng mga suspek.
Napilitan naman si Gretare na ihinto ang sasakyan dahil nakita nitong may baril at nakasuot ng uniporme ng sundalo.
Inakala ng biktima na pinahihinto lamang siya para sa inspeksyon ng nasabing Army junior officer, subalit nang lapitan siya ng dalawa sa mga ito ay bigla na lamang nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek ang P.2 milyon at P40, 540 tseke na kinita ng biktima sa kanyang negosyo.
Sa follow-up operations ay nasakote ang dalawa at narekober mula sa mga ito ang dalawang baril, P179,500 at ang tseke. (Joy Cantos)