KIDAPAWAN CITY, Philippines - Dalawang sundalo ang iniulat na nasawi habang limang iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa bisinidad ng Sitio Banban, Brgy. Lumiad, sa Paquibato District, Davao City noong Lunes ng hapon. Kabilang sa mga nasawi ay sina Cpl. John Coyme at Pfc. Fidel Lopez. Ang lima na nasugatan ay pawang miyembro ng 5th Scout Ranger Company kung saan ginagamot ngayon sa Davao Medical Center. Ang grupo ng mga sundalo ay bahagi ng contingent na kumuha sa bangkay ng isang NPA na nagnanais sumuko subalit nilikida ng Pulang Bagani Command 1 sa ilalim ni Leoncio Pitao alyas Commander Parago. Ang nasabing bangkay ng NPA ay hinukay pa ng mga sundalo upang ihatid sa pamilya nito para mabigyan ng disenteng libing. Malu Manar at Joy Cantos