5 MILF kidnaper arestado

MANILA, Philippines - Limang kalalakihan na si­nasabing miyembro ng notor­yus na kidnap-for-ransom gang ng pasaway na grupo ng Moro Islamic Liberation Front ang nasakote ng pulisya  sa serye ng operasyon sa kaha­baan ng Don Rufino Alonzo Street sa Cotabato City noong Biyernes.

Kabilang sa mga naares­tong suspek ay sina Badrudin Gonsang, 27; Mohmamad Gonsang, 25; Jayson Usop, 19; Abubakar Alindang, 31, na pawang nakatira sa Brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato at sinasabing miyembro ng 102nd Base Command ng MILF renegades.

Ayon kay P/Senior Supt. Willie Dangane, nasamsam sa mga suspek ang isang grana­da, kutsilyong may siyam na pulgada ang haba,pitaka na may P 10,000 cash, LandBank ATM card, sachet ng shabu na nakalagay sa kulay abong backpack bag, isang celpon at dalawang motorsiklo na walang plaka.

Samantala, sa follow-up operations ay nasakote naman ang tumatayong financier ng grupo na si Samsodin Daud alyas Samsodin Abdullah, 36, sa bisinidad ng Aling Precy Restaurant sa Sinsuat Avenue pero nagawang makatakas ng misis nitong si Myrah Modin Salik. 

Ang mag-asawa ay nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency – Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nakumpiska naman mula kay Daud ang sachet na may 5 gramo ng shabu (P50,000) at isang baril. Joy Cantos

Show comments