MANILA, Philippines - Pinangangambahang pinugutan na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang dinukot na Tsinoy trader noong Disyembre 2008 sa Jolo, Sulu, ayon sa opisyal kahapon.
Sa phone interview, sinabi ng hepe ng AFP-Western Mindanao na si Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, nakatanggap sila ng impormasyon na pinaslang na ng mga kidnaper ang biktimang si Peter Go.
Gayon pa man, bineberipika pa ang ulat habang patuloy ang paghahanap ng search and rescue team ng Joint Task Force Comet sa biktima.
Bukod dito, walang kontak si Go sa kaniyang pamilya para magsilbing proof of life ng nasabing bihag ng mga bandido na pinamumunuan ni Commander Albader Parad.
Ang grupo ni Parad ang responsable rin sa pagbihag sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross mula sa Patikul, Sulu noong Enero 15, 2009 at pinalaya nitong Abril at Hulyo.
Nauna nang nagbanta ang mga bandidong Abu Sayyaf na pupugutan si Go kapag nabigo ang pamilya nito na magbigay ng P5 milyong ransom kapalit ng kaniyang kalayaan.
Sinabi ni Dolorfino na nagpalabas siya ng direktiba sa kaniyang mga tauhan na maglunsad ng operasyon para sa biktima.
Si Go ay kinidnap ng mga armadong tauhan ni Commander Parad noong Disyembre 13, 2008.
Sinabi ni Dolorfino na patuloy ang kanilang all effort offensive laban sa bandidong grupo na target nilang lipulin bago ma tapos ang 2009 para walang balakid sa 2010 national polls.