4 mag-aaral utas sa soft drinks

NUEVA VIZCAYA, Philippines — Apat na kabataang mag-aaral sa hasykul ang iniulat na nasawi makaraang uminom ng soft drinks na sinasabing hinaluan ng lason sa loob ng kanilang eskuwelahan sa Barangay Bintawan Sur, sa bayan ng Villaverde, Nueva Vizcaya kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa mga nama­tay na estudyante ay sina Joani Molina, 20, ng Brgy. Ibung; Rommel Dacusin, 18, ng Brgy. Sawmil; Seve­rino Quiyod,16; at si Jeffer­­son Retorio, 16, kapwa na­katira sa Brgy. Cabuluan, Villaverde.

Ayon kay Dr. Trinidad Lo­gan, school principal ng Bintawan National High School, dakong alas-2 ng hapon kamakalawa nang magkagulo ang mga es­tudyante sa 3rd year sa section III-E kung saan biglang bumulagta ang apat na mag-aaral.

 “They were weak. They could no longer speak out. Their eyes were partially closed while bubbles started to come out of their mouths when they were brought to the school clinic. We immediately rushed the students to (the hospital) after first aid given to them proved futile,” pahayag ni Rosie Dacumos, school nurse.

Subalit idineklarang dead-on-arrival sa Medical Mission Group si Quiyod at sinundan pa ng dalawa sa kanila hanggang sa bumi­gay na rin si Dacusin da­kong alas-5 ng hapon.

Napag-alamang isa sa ka­klase ang nakakitang hina­luan ng mga biktima ng kulay puting polbo ang soft drinks na binili at dinala sa loob ng kanilang silid-aralan.

Nagpabalik-balik pa ang mga biktima sa palikuran ng klasrum upang tumung­ga ng soft drinks kasabay ng paanyaya sa iba pang kaklase na tikman ang ka­nilang iniinom na pa­lamig.

Isa si Joe Jeric Adriano ang nangahas na tumikim subalit agad niyang iniluwa dahil sa kakaibang pait kung saan hindi niya ka­yang lunukin.

Wala ring balita sa isa pang kaklase ng apat na si Mark Louie Bueno, na lu­miban kahapon at sinasa­bing tumikim din ng soft drinks na may lason.

Habang sinusulat ang balitang ito ay pinasuri ni P/Insp. Noel Libunao, hepe ng Villaverde, ang sample ng soft drinks sa PNP Crime Laboratory.


Show comments