BATANGAS, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 49-anyos na dating konsehal na naging negosyante sa panibagong paghahasik ng karahasan ng mga di-pa kilalang kalalakihan kahapon ng umaga sa Barangay Caybunga sa bayan ng Balayan, Batangas.
Kinilala ni P/Chief Insp. Romeo Baleros, Balayan police chief, ang biktimang si Romeo Anzaldo, negosyante, ng Antorcha St, Barangay 6.
Nabatid na patungong farm si Anzaldo lulan ng Toyota Innova (VEX-180) nang ratratin sa kahabaan ng barangay road bandang alas-9:30 ng umaga
Sa inisyal na imbestigasyon, nakaganti pa ng putok ng baril si Councilor Anzaldo laban sa gunman bago pa nakatakas ang mga ito sakay ng dalawang motorsiklo patungong bayan ng Lemery.
Sa follow-up operation ng pulisya, nasukol naman ang dalawang suspek na sina Jerry Alday at Richard Alvarez habang nagpapagamot sa Our Lady Of Caysasay Hospital sa bayan ng Lemery dahil sa tama ng bala ng baril.
“Ang una nilang sinabi sa ospital ay naaksidente sila sa motorsiklo pero sugat pala sa tama ng bala ng baril ang ipinagagamot nila,” ani Baleros
Kasalukuyan pang pinaghahanap ang kasamahang babaeng nakatakas na sinasabing kasabwat ng mga suspek habang inaalam pa rin ang motibo ng pamamaril. (Arnell Ozaeta)