3 tiklo sa paggawa ng dinamita

BATAAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong sibilyan makaraang maaresto ng pulisya na gumagawa ng dinamita kamakalawa sa Brgy. Ibayo, Balanga City, Bataan.

Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Angelito Andan Alcantara, 49; Nilda Sorne Francisco, 52; at si Miguel Sorne Francisco, 54. Sa ulat ni P/Insp. Dennis Orbista, inaresto ang mga suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Manuel Tan ng Bataan Regional Trial Court Branch 2 at nasamsam ang 4,140 pirasong non-electric improvised blasting caps na nagkakahalaga ng P62,800 at 100 kilong ammonium nitrate na nagkakahalaga ng P8,000. (Jonie Capalaran)


Show comments