CAMARINES NORTE, Philippines – Handang magbigay ng pabuyang P50,000 ang lokal na pamahalaan ng Daet sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga holdapan o magnanakaw na miyembro ng grupong Buag Gang upang tuluyan ng masugpo ang pagtaas ng krimen sa nabanggit na bayan. Ito ang naging katugunan ni Mayor Tito S. Sarion sa ginanap na conference on peace and order kahapon ng umaga sa munisipyo na dinaluhan ng mga opisyal ng barangay, guro, kapulisan at miyembro ng People’s Law Enforcement Board.
Ayon kay Sarion, hindi na nagugustuhan ang patuloy na holdapan kabilang ang naganap na pagnanakaw ng korona ni Niño Hesus sa simbahan ng Daet noong Miyerkules na labis na nakakaapekto sa mga negosyante. Pinakahuling biktimang holdap ay ang negosyanteng si Liberty Jerez na may-ari ng Alpine Realty sa Brgy. Gubat kung saan dalawang ulit na binaril sa hita at natangay ang 2-bag na naglalaman ng malaking halaga noong Biyernes.
Hugas kamay naman si P/Supt. Enrico Amor na hindi lamang daw mga pulis ang kailangang gumalaw upang maaresto ang mga kriminal at dapat din kumilos ang taumbayan laban sa paglala ng krimen. Inisnab naman ni P/Senior Supt. Emmanuel Talento, provincial police director, ang kalatas na ipinadala ni Mayor Sarion sa hindi malaman kadahilanan. (Francis Elevado)