3 mag-aaral sinapian habang nagmimisa

KIDAPAWAN CITY, Philippines – Nabulabog ang mataimtim na pagda­rasal ng mga deboto sa isinasagawang misa sa Spottswood Na­tional High School sa Kidapawan City matapos magwala ang tatlong mag-aaral na sinasabing sinapian ng masamang ispiritu, kaha­pon ng umaga.

Natigil ang misa sa pangunguna ni Father Fred Palomar ng Saint John Mary de Vianney sa Sandawa Homes, matapos mag­hiyawan ang tatlong estudyante na nanlilisik ang mga mata na sinasabing nasasaktan ang mga ispiritu na nasa loob ng kanilang katawan.

Kaagad namang dumating sa eskwelahan ang ilang pastor para maitaboy ang masamang ispiritu sa katawan ng mga estudyante.

Ayon kay Rev. Benny Minggong ng Alliance Church, madaling pasukan ng masamang ispiritu ang mga kabataang problemado, may mabibigat na bagaheng dala-dala sa kanilang damdamin at yaong may mga nakatagong poot sa dibdib.

Napag-alamang nagsimulang sapian ang mga estudyante matapos maghukay sa likurang bahagi ng nasabing paaralan kung saan sinasabing doon inilibing ang mag-aanak na pinatay dahil sa pinag-aagawang lupain.

Ayon sa principal ng nasabing eskuwelahan na si Rey Herrera, ikaanim na beses nang naulit ang ganitong pangyayari, simula noong Huwebes kung saan aabot sa15 mag-aaral ang sinapian ng masamang espiritu. - Malu Manar


Show comments