Occidental Mindoro, Philippines – Nagwakas ang buhay ng isang 66-anyos na dating bise gobernador ng lalawigang ito nang barilin at saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanyang bakuran sa bayan ng San Jose kahapon ng umaga.
Kinilala ni Senior Superintendent Ceasar Miranda, hepe ng Occidental Mindoro Police ang biktimang si Ex-Vice Governor Crispin Perez na residente ng Barangay 7 at radio commentator din ng local radio station DWDO Heart FM.
Ayon sa report, kausap pa umano ni Perez ang suspek sa harap ng kanyang bahay nang bigla nalang itong saksakin ng huli bandang alas-10:00 ng umaga.
Bago tumakas, pinaputukan pa umano ng salarin si Perez gamit ang kalibre .45 baril na naging sanhi ng kamatayan ng biktima.
Sinabi ni Miranda sa isang panayam na meron silang isang eye witness na maaring makapaglarawan sa suspek na nauna nang nagpanggap na humihingi ng legal assistance sa dating bise-gobernador.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng pamamaslang sa biktima.
Si Perez ay nagsilbing board member ng Occidental Mindoro noong February 2, 1988 hanggang March 23, 1992 at bilang vice governor naman noong July 1, 1992 hanggang July 1, 1995.
Sa isang radio interview, sinabi naman ni Occidental Mindoro Governor Josephine Sato na naniniwala siyang pulitika ang motibo ng pamamaslang kay Perez.
Sinabi ni Sato, isang grupo lang ang madalas na binabanatan sa radyo ni Perez na maaari umanong nasa likod ng pagpatay sa dating bise gobernador.