Hostage-drama: Mag-utol, ama todas

BATAAN, Philippines – Napaaga ang karit ni kamatayan sa mag­kapatid na batang lalaki ma­karaang pagsasaksakin ng kanilang ama na sinasabing nawala sa katinuan kung saan napatay naman ng mga pulis ang huli sa naganap na hostage-drama sa Barangay San Antonio, Bagac, Bataan kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay sa saksak na mag-utol na sina Charles Daniel Arellano, 6 at Zhelwin Are­lano, 3, habang ang ama na nang-hostage sa kanyang dalawang anak at napatay naman ng mga rumespon­deng pulis ay si Arwin Are­lano, 34, electrician na tu­bong Iloilo City.

Sa inisyal na ulat ng pu­lisya, lumilitaw na nawala sa katinuan si Arwin kaya naga­wang pagsasaksakin ang dalawang anak sa loob ng kanilang kuwarto.

Kaagad naman rumes­ponde ang pulisya matapos na maipaabot ng hipag ni Arwin ang insidente.

Dito na nagkulong sa ku­warto si Arwin kung saan nag­karoon ng negosasyon para sumuko ang una.

Subalit sa hindi inaasa­hang pagkakataon ay sinu­god ni Arwin ang mga pulis para saksakin kaya napili­tang barilin. Naisugod pa sa Bagac Medicare Hospital si Arwin na nagtamo ng dala­wang tama ng bala ng baril sa dibdib at ang dalawa nitong anak na batang lalaki subalit hindi na umabot pa ng buhay.

Napag-alamang si Charles Daniel ay nagtamo ng anim na saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang si Zhelwin naman ay apat na saksak.

Show comments