2 pulis, 1 pa tiklo sa panghoholdap

ILOILO CITY, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang dating pulis at isang sibilyan makaraang maaresto kaugnay sa panghoholdap ng delivery van at pag-iingat ng pampasabog at matataas na kalibre ng baril sa bayan ng Pandan, Antique noong Biyernes. Base sa radio report, kabilang sa mga suspek na naaresto ay sina ex-SPO1 Rex de los Reyes, ex-PO1 Jeremiah Pila­pil, at si Julius de los Reyes.

Ayon kay P/Chief Supt. Isagani Cuevas, ang tatlo ay dinakip sa police checkpoint sa Brgy. Hinalinan sa bayan ng Pandan matapos tumakas mula sa bayan ng Bu­ruanga, Aklan, kung saan hinoldap nila ang mga sakay ng delivery van. 

Dalawang kasamahan ng tatlo ay nakatakas tangay ang malaking halaga na hinoldap at ilang mamahaling gamit. Narekober ng pulisya sa mga suspek ang M203 grenade launcher, ingram machine pistol, 12 gauge shotgun, cal.45 cal. pistol, walong granada, 25 bala ng M203, at 110 bala ng 9mm. Ayon pa kay Cuevas, na si SPO1 delos Reyes ay sinasabing sangkot sa pagpatay kina PO1 Frederick Capasao ng Philippine Drug Enforcement Agency, at Rustico Vega Jr., isang service manager ng local car dealer. - Ronilo Ladrido Pamonag


Show comments