Guro sinalpok ng dyip

CAMARINES NORTE, Philippines — Sa halip na sa esku­welahan mapunta ang isang ma­tandang guro sa unang araw ng pasukan, pinaglalamayan na ito makaraang maak­si­dente habang sakay ng tray­sikel papauwi sa Barangay 2 sa bayan ng Daet, Camarines Norte.

Namatay habang gina­gamot sa Bicol Medical Center sa Naga City, si Maria Can­delaria, 64, ng Lalawigan Ele­mentary School sa bayan ng Mercedes.

Nabatid sa kamag-anak ng biktima, na posibleng na­isalba pa ang buhay ng guro kung nabigyan ng agarang lunas sa Camarines Norte Provincial Hospital kung saan hindi agad pinagamit ang ambulansya upang madala agad sa Naga City dahil sa si­na­sabing kawalan ng pam­pa­gasolina.

Sa record ng pulisya, ang biktima ay sakay ng traysikel ni Erwin San Juan noong May 28 nang mahagip ng dyip ni Salvador Matira sa panulukan ng J. Lukban Ext. at Dulong­bayan Iraya sa Brgy 3-Daet bandang alas-4 ng hapon.

Naisugod sa CNPH si San Juan habang kritikal naman ang guro kung saan binawian ng buhay matapos madala sa Bicol Medical Center.

Posibleng magsampa ng kaukulang kaso ang pamilya ng biktima laban sa pamu­nuan ng Camarines Norte Provincial Hospital. (Francis Elevado)

Show comments