MANILA, Philippines - Nagsilbing huling kumpisal na ng isang abogado ang pagtungo niya sa simbahan matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang nag-iisang armadong salarin sa harapan ng pook-dasalan sa Barangay Basak, Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Wala nang buhay nang maisugod sa Mandaue City District Hospital ang biktimang si Atty. Santos Anthony Golez, 35-anyos, residente ng Saint Martin Village, Barangay Banilad sa Mandaue City.
Sinabi ng Cebu Provincial Police Office na naganap ang insidente sa harapan ng Fatima Church sa Barangay Basak dakong alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, lumabas mula sa simbahan si Golez para manigarilyo sa labas nang biglang sumulpot sa harapan niya ang armadong salarin.
Agad na binaril ng suspek ang biktima na tinamaan ng bala sa dibdib na naglagos sa likurang bahagi ng katawan nito.
Parang walang anumang naglakad ang salarin palayo pero ng lumingon ito at makitang dinudukot ng duguang biktima sa bulsa ang cellphone nito.
Bumalik ang suspek, inagaw ang cellphone bago binaril muli ang biktima at tumakas.