MANILA, Philippines – Umaabot sa dalawampu-katao ang binihag ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) makaraang muling umatake kung saan nanunog ng mga kabahayan at nagnakaw ng mga alagang hayop sa Sitio Bangog, Barangay Basak, Lebak, sa bayan ng Sultan Kudarat noong Biyernes.
Sa ulat ni Army’s 6th Infantry Division spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, pinumunuan nina MILF Commander Jingle Calutag at Bobby Ambag ang sumalakay ng mga rebelde.
Niransak rin ng mga rebelde ang mga kabahayan, pinagnakawan ang mga residente kabilang ang mga sari-sari store at maging ang mga alagang hayop.
Sa takot namang maabutan ng militar ay binihag ng mga rebelde ang 20 residente para gawing human shield sa kanilang pagtakas.
Gayon pa man, pinalaya rin ang mga bihag na sibilyan dakong alas-2 ng madaling-araw ng Sabado matapos ang 13-oras na pagkakabihag sa tulong ng Army’s 601st Brigade. - Joy Cantos