BULACAN, Philippines – Sa pag-aakalang may makukuhang ginto sa iligal na minahan ay napaaga ang salubong ni kamatayan sa limang minero makaraang makalanghap ng nakalalasong kemikal sa loob ng tunnel kahapon ng umaga sa Sitio Bulaong, Barangay Talbak sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Hindi na naisalba pa ng mga awtoridad ang buhay nina alyas Boyet, lider ng grupo ng Brgy.Tumana, Baliwag; Abner Dela Peña, 25; Nelson Dela Peña, 21; Jonathan Lopez, 19; at si Christhoper Baisan, 38, habang nakaligtas naman sina Jonel Pedro, Andy Tan, at si Mario Videña, 56, na pawang mga residente ng Barangay Talbak sa Bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Sa police report na nakarating kay P/CInsp. Lorenzo Payno, lumilitaw na dakong alas-11:30 ng tanghali nang nagpunta ang grupo sa kabundukang bahagi ng Sitio Bulaong para pumasok sa tunnel kung saan maraming ginto na kanilang nabalitaan sa ibang kaibigan.
Napag-alamang nasa 25 metrong lalim na tunnel ang mga biktimang may bitbit na de-gasolinang water pump upang gamitin sa pagsipsip ng tubig.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nang biglang lumabas sa hinukay na tunnel sina Pedro, Tan at Videna dahil sa kinakapos ng hininga dahil sa masangsang na amoy na kanilang nalanghap mula sa water pump.
Kaagad naman huminggi ng tulong sa mga kinauukulan ang tatlo para maisalba ang kanilang limang kasamahang minero subalit maging ang mga rescue team ay hindi nakatiis sa masangsang na amoy kaya napilitang lumabas ng tunnel.
Nang makuha ang limang biktima ay agad na dinala sa klinika sa bayan ng San Ildefonso subalit idineklarang patay.
Inaalam ng pulisya kung saan kumuha ng pahintulot ang mga minero para makapaghukay ng tunnel sa nabanggit na barangay.