BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Isang tinaguriang most wanted sa Central Luzon na may patong na P300,000 sa ulo ang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad sa lalawigang ito matapos ang mahigit sa limang taon na pagtatago, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Senior Superintendent Pedro Danguilan, Nueva Vizcaya provincial police director, ang suspek na si Gaudencio Miranda, alyas Ding at alyas Godeng na nagtatago sa bulubunduking bahagi ng Diadi sa lalawigang ito.
Si Gaudencio na kilala rin sa alyas na Danilo Miranda ay hindi na nakapalag sa mga awtoridad nang madatnan nila ito noong April 27 sa isang farm na pag-aari umano ng isang police major kung saan siya nagtatrabaho bilang caretaker.
Napag-alaman na si Gaudencio ay may mga warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder sa sala nila Judge Crisanto Concepcion ng San Jose Nueva Ecija-Branch 12 at Judge Danilo Manalastas ng Malolos Bulacan-Branch 3.
Suspek din si Gaudencio sa pagpatay sa kanyang asawa noong taong 2002 at isa pang kasong frustrated murder sa pagkamatay naman ng isang negosyante na si Christian Sagubang. (Victor Martin)