MANILA, Philippines - Tinatayang milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo makaraang sunugin ng mga armadong rebeldeng New People’s Army ang sari-saring uri ng mamahaling kagamitan sa isang minahan sa Rosario, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Maj. Michele Anayron, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, bandang alas-11:30 ng umaga nang salakayin ng NPA ang minahan sa Barangay Bayugan 3, Rosario.
Kabilang sa sinunog ng mga rebelde ang isang payloader na pag-aari ng isang Tukloy Cuyos at isang power generator bago tumakas sakay ng dalawang dump truck at isang cargo truck. May tatlo pang generator na pag-aari ni Engineer Vivencio Ocite ang sinunog ng NPA.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng panununog. (Joy Cantos)