Matapos utasin ang misis, ex-Belgian army nagbaril sa ulo

SANTIAGO CITY, Isa­bela, Philippines – Isang  Belgian na da­­ting militar ang nagpaka­matay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido ma­karaang mapatay niya ang sariling misis sa bayan ng Iguig, Cagayan ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay P/Senior Inspector Wilfredo Dupaya, hepe ng Iguig PNP, nakilala ang dayuhan na nagbaril sa sarili na si Constant Van Girt, 60, mula sa Belgium at nga­yon ay residente ng Ba­rangay Minanga Norte, Iguig, Cagayan.

Sa inisyal na imbesti­gasyon ng pulisya, unang binaril ni Girt ang kanyang asawang si Rosaly De Vera Girt, 37, sa loob ng kani­lang tahanan nang magtalo ang dalawa kaugnay sa pinaghi­hi­nalaang karelas­yong lalaki ng kanyang asawa.

Gamit ang baril na 9mm ay pinaputukan din ni Girt ang kanyang sentido ma­tapos makitang bumulagta ang kanyang asawa. 

Idineklarang patay sa ospital ang Belgian habang ang asawa nitong si Rosaly ay namatay din dahil sa tama ng bala sa ulo.

Nag-ugat ang pagtatalo ng mag-asawa matapos sitahin ni Girt si Rosaly kaugnay sa isang lalaki na pinaghihinalaang karelas­yon at kausap pa sa tele­pono. Samantala, iginiit na­man ng anak ni Rosaly (sa kanyang unang pamilya) na ang pinag-uusapan ng kanyang ina at ang na­banggit na lalaki ay may ka­ugnayan sa negosyong patahian. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)

Show comments